Kabanata 20
Sa
simula, sa blangkong pahina kung saan walang huhusga. Dalisay ang panlabas na
anyo kung kaya’t kumpulan ito ng
pagkilala’t pagpupuri. Marubdob ang pagmamahal niya sa aklat. Maingat niyang
pinipili ang mga karakter na gaganap sa istorya. Ang pagsusulat ang kanyang kalakasan. Malawak
ang imahinasyon niyang bumuo ng sariling mundo. Ito’y paspasan lamang ng mahika
at salamangka. Ito ay salamin nang pantasya’t hiwaga. Ang istoryang hindi
nagsimula sa wansapantaym ngunit malayang ikinulong ang sarili sa mga kathang-isip.
Narinig mo na ba ang kuwento sa kabanata 20?
Mensaheng sipi sa Prologo, “ikinalunod ko ang buhay, ikanalulugod kong mabuhay.” Sa unang entri, sa panimulang bilang na pahina ay ikinagalak kong basahin ang pagluwal ng isang anghel. Kupas na ang litrato ngunit tiyak na ito’y larawan ng sanggol na mahimbing na natutulog. Walang paglalagyan nang galak sa dibdib ng ipakilala siya bilang pangunahing karakter sa istorya.
Lumipas
ang apat na taon, mula sa panlimang entri, sa edad na lima ay natutuhan niya
ang maraming bagay. Hindi maikakailang may gatas pa siya sa labi kung kaya’t
maging ang paboritong laruan na manika ay hindi mawaglit sa kanyang bisig. Hanggang sa pagtulog ay katabi niya ito. Nagdaan pa ang araw ay sinubok ang kanyang
kakayahang sumulat at magbasa, baon niya ang luha nang humakbang palabas ng
pintuan ng tahanan sukbit ang hello kitty na bag.
Sa
pang-anim na entri, eskwelahan ang naging ikalawang tahanan niya upang
matutuhan ang lahat ng mga bagay. Ipinagkaloob ang oportunidad na imulat siya
sa mga gintong aral, hinuhulma maging
paniniwala’t prinsipyo, may pananagutang sumunod sa responsibilidad at punan
ang kuryosidad ng kanyang blangkong isipan. Naging imbakan ito ng mga
repositoryong tangan sa isip, salita at gawa.
Bago
pa man unahan nang pagtilaok ng manok ay nakahain na ang ulam at kanin sa
kwadradong plastik na lalagyan. Alas-kwatro pa lamang ng madaling araw ay
isinasaayos na ang mga kanyang gamit pang-eskwela upang hindi mahuli sa takdang
oras nang pagsisimula ng klase. Ang
sampung pisong baon sa maghapon ay malaking halaga na para sa kanya, hangga’t
maaari ay tinitipid niya ito sa anumang paraan. Mapalad na siya kung aabutan ng
papel na bente pesos. Kung sa paligsahan
sa oras ay walang makapapantay sa kanyang kabagalan. Laging iyon ang puna at
himutok ng kanyang ina. Inilalarawan siya ng mga tauhan bilang mahiyain,
matipid lamang ang kanyang mga salita kung kaya’t hindi nakakaligtas sa kanyang
pandinig ang asaran at tuksuhan ng kanyang mga kamag-aral.
Sa
paglipat ng pahina, naging bukas ang ika-10 kabanata ng kanyang istorya sa
pagtanggap ng mga hamong sinukat ang kanyang mentalidad at pangarap sa buhay.
Sa pagtatapos ng elementarya ay sukbit naman niya ang isang medalya na nagpapatunay
ng pagkilala. Ang kanyang panga’y nangangawit
na sa pagngiti, kahingian ang ayos nang tindig kaya’t pinagtiisan maging pamamanhid
ng mga binti mairaos lamang ang seremonya ng pagtatapos.
Naging saksi ang manunulat sa pinaghalong tamis at pait ng buhay. Ikinalunod ang mga hamon at pagsubok na nagbanta upang wakasan ang kanyang kakayahan sa pagsusulat. Maraming ipinakilalang tauhan ngunit iilan lamang ang nanatili. Buhat nito’y suot ang maskarang hinuhubad lamang pagkatapos humarap sa madla. Lihim na ikinubli ng isang karakter ngunit hahamakin ng isang mangmang na mapagsamantala. Sa hayskul niya naranasan ang tingalain at ipagkalulo ng mga tauhang lapad. Ang grado na naging batayan ng katauhan para sukatin ang karunungan ng bawat indibidwal ang humamak sa pundasyon ng tiwala’t relasyon. Ngunit sa hindi inaasahan ay nakatagpo rin siya ng mga tauhang handang sumabay sa kanyang layaw at gusto sa buhay. Sila’y handang makinig at magpaalala na may espasyo’t ikinalulugod tanggapin ang buhay. Ito maaari ang reyalidad sa kabila ng kanyang kathang-isip. May pakikitunggali upang sukatin ang kakayahan at tiyaking mapagtagumpayan ang mga dagok at trahedya.
Sa
ikalimangpung entri, pahina labing-lima, laman ito ng determinasyon at aspirasyon
ng pagpadyak sa buhay, nakikipagsabayang maglakbay at sumunod sa direksyon. Wala ng mas mahalaga pa sa kanya kung hindi
memoryahin ang mga peryodiko sa pahayagan at suriin ang mga numerikal na
datos. Sa kanyang pagpasok sa
Unibersidad ay nagpatuloy ang kanyang adhikain na iangat ang sarili at tupdin
ang pangakong makapagtatapos ng may titulo at karangalan sa kolehiyo. Matagal
na ang panahong inilaan ng manunulat upang buuin ang kanyang sariling istorya
ngunit magpahanggang ngayo’y bulag pa rin ang kanyang mga mata at bingi pa rin
ang kanyang mga tenga. Nanatiling
misteryoso ang mga susunod na kabanata. Higit nais malaman ano ba ang usapin sa
kabanata 20?
Para
sa iyo, marubdob kong ipinahahayag ang aklat ng aking buhay. Maraming nais
bumasa ngunit kakaunti lamang ang tutugon at makauunawa. Walang rebisyon ang
aking istorya, anuman ang bahagi’y ako mismo ang naglathala. Hindi nililimitahan
ang mga salita, walang bilang ng talata at walang angkop na titulo. At anupa’t
ang ang sarili ang naging pinakamatinding kalaban, walang kakampi sa oras ng pananaghoy.
Walang tiyak na lunan, hindi lamang
nagtapos sa iisang tunggalian at hindi rin
naman nakikipagbuno sa kanyang kapwa. Tanging ang karanasan ang naghulma sa hilaw
niyang prinsipyo’t paniniwala. Bukas ang isip na namulat siya sa reyalidad ng
buhay.
Ika-6
ng buwan ng Mayo naitala ang panibagong entri, dalawangpung (20) dekada na
simula ng ikinalunod niya ang buhay at ikanalulugod niya pa rin ang magpatuloy
at mabuhay.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento