Isang panaginip, imaheng
binuo ng aking isipang may pananabik sa pagtawid sa nakakapasong kalsadang
natitipon ang iba’t ibang mukha at kasuotan. Nariyan si Mamang sorberterong
pinipilahan ng mga sukat ang bulsa, may karitong pantawid uhaw para sa
nanunuyong lalamunan, ang karinderya ni Manay dahil sa patok na bente-singkong
sabaw at ang padyak ng pedal na hilig manlamang sa bilis nang pag-usad. Patuloy
nagsusumikap at matiyagang kumakayod, bidang maisalba ang bawat isa sa hamon ng
buhay. Sa mga pampublikong lugar, sa
parke, sa sinehan at maging sa opisina’t paaralan ramdam ang init presyong
pakikipagkamayan, pagbati’t pagyakap, pinagtiisan kong pakinggan maging
kanilang tuksuhan at hagikhikan. Isang pangkaraniwang larawang madalas nakikita
at patuloy binibida sa lipunan, walang espayo at pagitan, walang barikada at distansya,
hindi sinusukat maging ang agwat at layo, higit kailanman walang balakid
ni-hadlang.
Ngunit sa rurok, sa rimarim nang
higlikas ako’y palsipikadong gumising at bumangon. Walang nais bumati, walang
tumugon at maging pagdaop ng mga palad ay pinahindian. Hindi ko muling narinig ang kaskaserong
drayber na may hirit pang tumawag ng mga ruta, ang lansangang hindi nagtitipid
sa galak at hiyawan ay nanamlay, naging larawan ng itim at puti, lumamlam ang mga
kulay, sinakop nang katahimikan.
Tahanang pugadlawin ng tuwa’t saya,
nakakabinging pakinggan, nakasisiyang pagmasdan. Naging punlaan ang apat na korner ng aking
kwarto, nakuntentong sinisilip ang siwang ng butas sa harang na pader na yero.
Walang imik na sinisilip itong pamilyar na pulang ilaw na naglaho sa aking
paningin. Naiulat ang pagdami ng mga bilang ng aktibong kaso, sa telebisyon,
radyo, mga pahayagan at mga post sa social media. Ito ang pangunahing
kinahaharap ng sangkatauhan. Umuusig, nakikipagpatinterong protektahan ang
sarili at kanyang kapwa, pamilya’t mga kaibigan sa nararanasang pangkalusugang
krisis.
Sa nagdaang buwan, naging
masalimuot ang pakikibaka ng mga ahensya at sektor ng gobyerno sa pagtulong
upang supilin ang kinahaharap nating hamon sa pandemya. Naaksyunan ang
malawakang pagbabakuna sa mga nagnanais, ngunit patuloy pa rin ang mga
agam-agam lulan ng epekto sa kalusugan. Nagkaroon din ng distribusyon ng Social Amelioration Program (SAP) para
sa ating mga kababayan, naglipana ang mga tulong o donasyon mapa-lokal at
internasyunal para sa mga kagamitan at materyales pangmedikal at mga esensyal
na pangangailangan sa tahanan. Nakaraan lamang ay naitampok rin ang
boluntaryong pagsasagawa ng mga community
pantry sa ilang bahagi ng mga distrito at komunidad.
Tuluyan naipinta ang nakalipas, nasubok
humarap at tanggapin ang pagbabagong galaw ng ekonomiya, mobilidad ng
edukasyon, distansyang balakid sa pakikipagkomunikasyon, mahigpit na kawang ng
seguridad at iba pa. Humahakbang at nagpapatuloy pa rin sagipin ang pansariling
pagkalam ng sikmura, kumakapit sa pising magbibigay ng pag-asang umahon sa
kabila ng mga hagunot at dagok sa buhay. Walang tigil ang daing at karamdamang
hindi nakikita ngunit paunti-unting tinutuldukan ang karapatang huminga, tinatahak
maging kalmadong pakikipagsanduguang mabuhay para sa lupang tinubuan. Namulat
ang aking diwa sa araw-araw na pangamba at pagkabalisa, hindi tiyak ang tagal
nang oras sa pakikipag-argumento sa sarili. Sabi nila’y mainam na maging kalma
at huwag magpatalo sa mga negatibo. Hindi hamak nagtatanong ngunit patuloy
naitatanong, kaibigan kumusta ka na?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento