Lumaktaw sa pangunahing content

Sariling Likhang Talambuhay

 


Kabanata 20

   

    Sa simula, sa blangkong pahina kung saan walang huhusga. Dalisay ang panlabas na anyo kung kaya’t  kumpulan ito ng pagkilala’t pagpupuri. Marubdob ang pagmamahal niya sa aklat. Maingat niyang pinipili ang mga karakter na gaganap sa istorya.  Ang pagsusulat ang kanyang kalakasan. Malawak ang imahinasyon niyang bumuo ng sariling mundo. Ito’y paspasan lamang ng mahika at salamangka. Ito ay salamin nang pantasya’t hiwaga. Ang istoryang hindi nagsimula sa wansapantaym ngunit malayang ikinulong ang sarili sa mga kathang-isip. Narinig mo na ba ang kuwento sa kabanata 20?

  Mensaheng sipi sa Prologo, “ikinalunod ko ang buhay, ikanalulugod kong mabuhay.” Sa unang entri, sa panimulang bilang na pahina ay ikinagalak kong basahin ang pagluwal ng isang anghel. Kupas na ang litrato ngunit tiyak na ito’y larawan ng sanggol na mahimbing na natutulog. Walang paglalagyan nang galak sa dibdib ng ipakilala siya bilang pangunahing karakter sa istorya.  

  Lumipas ang apat na taon, mula sa panlimang entri, sa edad na lima ay natutuhan niya ang maraming bagay. Hindi maikakailang may gatas pa siya sa labi kung kaya’t maging ang paboritong laruan na manika ay hindi mawaglit sa kanyang bisig.  Hanggang sa pagtulog ay katabi niya ito.  Nagdaan pa ang araw ay sinubok ang kanyang kakayahang sumulat at magbasa, baon niya ang luha nang humakbang palabas ng pintuan ng tahanan sukbit ang hello kitty na bag.

      Sa pang-anim na entri, eskwelahan ang naging ikalawang tahanan niya upang matutuhan ang lahat ng mga bagay. Ipinagkaloob ang oportunidad na imulat siya sa mga gintong aral, hinuhulma maging paniniwala’t prinsipyo, may pananagutang sumunod sa responsibilidad at punan ang kuryosidad ng kanyang blangkong isipan. Naging imbakan ito ng mga repositoryong tangan sa isip, salita at gawa.

    Bago pa man unahan nang pagtilaok ng manok ay nakahain na ang ulam at kanin sa kwadradong plastik na lalagyan.  Alas-kwatro pa lamang ng madaling araw ay isinasaayos na ang mga kanyang gamit pang-eskwela upang hindi mahuli sa takdang oras nang pagsisimula ng klase. Ang sampung pisong baon sa maghapon ay malaking halaga na para sa kanya, hangga’t maaari ay tinitipid niya ito sa anumang paraan. Mapalad na siya kung aabutan ng papel na bente pesos. Kung sa paligsahan sa oras ay walang makapapantay sa kanyang kabagalan. Laging iyon ang puna at himutok ng kanyang ina. Inilalarawan siya ng mga tauhan bilang mahiyain, matipid lamang ang kanyang mga salita kung kaya’t hindi nakakaligtas sa kanyang pandinig ang asaran at tuksuhan ng kanyang mga kamag-aral.

     Sa paglipat ng pahina, naging bukas ang ika-10 kabanata ng kanyang istorya sa pagtanggap ng mga hamong sinukat ang kanyang mentalidad at pangarap sa buhay. Sa pagtatapos ng elementarya ay sukbit naman niya ang isang medalya na nagpapatunay ng pagkilala.  Ang kanyang panga’y nangangawit na sa pagngiti, kahingian ang ayos nang tindig kaya’t pinagtiisan maging pamamanhid ng mga binti mairaos lamang ang seremonya ng pagtatapos.                                          

     Naging saksi ang manunulat sa pinaghalong tamis at pait ng buhay. Ikinalunod ang mga hamon at pagsubok na nagbanta upang wakasan ang kanyang kakayahan sa pagsusulat. Maraming ipinakilalang tauhan ngunit iilan lamang ang nanatili. Buhat nito’y suot ang maskarang hinuhubad lamang pagkatapos humarap sa madla. Lihim na ikinubli ng isang karakter ngunit hahamakin ng isang mangmang na mapagsamantala.  Sa hayskul niya naranasan ang tingalain at ipagkalulo ng mga tauhang lapad.  Ang grado na naging batayan ng katauhan para sukatin ang karunungan ng bawat indibidwal ang humamak sa pundasyon ng tiwala’t relasyon.

   Ngunit sa hindi inaasahan ay nakatagpo rin siya ng mga tauhang handang sumabay sa kanyang layaw at gusto sa buhay. Sila’y handang makinig at magpaalala na may espasyo’t ikinalulugod  tanggapin ang buhay. Ito maaari ang reyalidad sa kabila ng kanyang kathang-isip. May pakikitunggali upang sukatin ang kakayahan at tiyaking mapagtagumpayan ang mga dagok at trahedya.

   Sa ikalimangpung entri, pahina labing-lima, laman ito ng determinasyon at aspirasyon ng pagpadyak sa buhay, nakikipagsabayang maglakbay at sumunod sa direksyon.  Wala ng mas mahalaga pa sa kanya kung hindi memoryahin ang mga peryodiko sa pahayagan at suriin ang mga numerikal na datos.  Sa kanyang pagpasok sa Unibersidad ay nagpatuloy ang kanyang adhikain na iangat ang sarili at tupdin ang pangakong makapagtatapos ng may titulo at karangalan sa kolehiyo. Matagal na ang panahong inilaan ng manunulat upang buuin ang kanyang sariling istorya ngunit magpahanggang ngayo’y bulag pa rin ang kanyang mga mata at bingi pa rin ang kanyang mga tenga.  Nanatiling misteryoso ang mga susunod na kabanata. Higit nais malaman ano ba ang usapin sa kabanata 20?

     Para sa iyo, marubdob kong ipinahahayag ang aklat ng aking buhay. Maraming nais bumasa ngunit kakaunti lamang ang tutugon at makauunawa. Walang rebisyon ang aking istorya, anuman ang bahagi’y ako mismo ang naglathala. Hindi nililimitahan ang mga salita, walang bilang ng talata at walang angkop na titulo. At anupa’t ang ang sarili ang naging pinakamatinding kalaban, walang kakampi sa oras ng pananaghoy.  Walang tiyak na lunan, hindi lamang nagtapos sa iisang tunggalian  at hindi rin naman nakikipagbuno sa kanyang kapwa. Tanging ang karanasan ang naghulma sa hilaw niyang prinsipyo’t paniniwala. Bukas ang isip na namulat siya sa reyalidad ng buhay.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

𝓝𝓪𝓽𝓪𝓽𝓪𝓷𝓰𝓲𝓷𝓰 𝓚𝓪𝓻𝓪𝓷𝓪𝓼𝓪𝓷 𝓼𝓪 𝓟𝓪𝓷𝓭𝓮𝓶𝔂𝓪

  Salba, Bida!         Isang panaginip, imaheng binuo ng aking isipang may pananabik sa pagtawid sa nakakapasong kalsadang natitipon ang iba’t ibang mukha at kasuotan. Nariyan si Mamang sorberterong pinipilahan ng mga sukat ang bulsa, may karitong pantawid uhaw para sa nanunuyong lalamunan, ang karinderya ni Manay dahil sa patok na bente-singkong sabaw at ang padyak ng pedal na hilig manlamang sa bilis nang pag-usad. Patuloy nagsusumikap at matiyagang kumakayod, bidang maisalba ang bawat isa sa hamon ng buhay. Sa mga  pampublikong lugar, sa parke, sa sinehan at maging sa opisina’t paaralan ramdam ang init presyong pakikipagkamayan, pagbati’t pagyakap, pinagtiisan kong pakinggan maging kanilang tuksuhan at hagikhikan. Isang pangkaraniwang larawang madalas nakikita at patuloy binibida sa lipunan, walang espayo at pagitan, walang barikada at distansya, hindi sinusukat maging ang agwat at layo, higit kailanman walang balakid ni-hadlang. ...

𝒯𝒶𝒶𝓁𝒶𝓇𝒶𝓌𝒶𝓃

  E N T R I  01 Ika-1 ng Mayo, 2021/Sabado                                                                       Magandang umaga!         Maaga akong nagising pagkatapos ay ginawa ang pang-araw araw na ritwal sa umaga. Sa araw na ito ay patuloy sinusubok ang aking isip at kakayahan sa mga bagay. Nariyan ang mga ingay at distraksyon sa paligid habang nagsasagot at nagsasagawa ng ilang aktibidad. Mailap kong binibigyan pansin ito ngunit mayroong pagkakataong hinahamak ako ng aking mga pansariling balakid sa buhay. Gayunpaman ay natutugunan ko naman  ito. Bago pa man tuluyang sakupin ng dilim ang paligid ay sinigurado kong naisumite ang bawat pagsusulit. Ilang sandali lamang ang aking pahinga sapagkat kailangan muli magpatuloy. Hindi dapat natin kalimutan na mahalaga ang hindi...

𝓐𝓷𝓰 𝓟𝓪𝓫𝓸𝓻𝓲𝓽𝓸 𝓚𝓸𝓷𝓰 𝓖𝓾𝓻𝓸

  “Seksyong Sampaguita” Nagpulasan ang buong seksyon ng sampaguita ng marinig ang malakas na batingaw. Sa koridor pa lamang ay maririnig ang ingay ng mga sapatos,   ang iilan ay pumapanhik at panay ang pagdungaw sa bintana. Ang mga kalalakihan ay nagpapapresko’t isinasaayos ang kwelyo sa kanilang uniporme. Habang ang mga kababaihan ay abala sa pag-susuklay at pagpusod ng mga buhok. Makailang beses na tinitingnan ang mga mukha sa salamin. Isang kamag-aral ko ang nagmamadaling kuhain ang kanyang libro, siya kasi ang naasahan na mag-uulat ng aming magiging paksa. Kita ko ang panginginig ng kanyang mga kamay, tiyak kong kinakabahan siya. Nang bigla ay naramdaman ko ang katahimikan, walang ingay na kumubli sa loob ng silid. Tuwid ang paningin ng bawat isa sa taong nagpapakilala ng kanyang propesyon. Sabay-sabay na tumayo’t bumati para sa itinuturing na Ama ng seksyong Sampaguita. Sa paghakbang niya’y naglikot ang kanyang matang kilatisin ang bawat postura at kolorete sa mukha. ...