“Seksyong Sampaguita”
Nagpulasan
ang buong seksyon ng sampaguita ng marinig ang malakas na batingaw. Sa koridor
pa lamang ay maririnig ang ingay ng mga sapatos, ang iilan ay pumapanhik at panay ang
pagdungaw sa bintana. Ang mga kalalakihan ay nagpapapresko’t isinasaayos ang
kwelyo sa kanilang uniporme. Habang ang mga kababaihan ay abala sa pag-susuklay
at pagpusod ng mga buhok. Makailang beses na tinitingnan ang mga mukha sa
salamin.
Isang
kamag-aral ko ang nagmamadaling kuhain ang kanyang libro, siya kasi ang
naasahan na mag-uulat ng aming magiging paksa. Kita ko ang panginginig ng
kanyang mga kamay, tiyak kong kinakabahan siya. Nang bigla ay naramdaman ko ang
katahimikan, walang ingay na kumubli sa loob ng silid. Tuwid ang paningin ng
bawat isa sa taong nagpapakilala ng kanyang propesyon. Sabay-sabay na tumayo’t
bumati para sa itinuturing na Ama ng seksyong Sampaguita. Sa paghakbang niya’y naglikot
ang kanyang matang kilatisin ang bawat postura at kolorete sa mukha.
Kinakailangang presentable at maayos ang tindig maging sa pag-upo.
Ang
isang pirasong chalk sa kanyang kamay ay pinaiikot ng kanyang daliri. Ito
lamang ang kanyang gamit sa pagtuturo at nakasanayan na naming makita ito. Walang
mababakas na reaksyon ng makita kami. Walang pagbati at walang pagkurba ng mga
ngiti sa kanyang labi. Nakuntento lamang kami ng aking kamag-aral sa presensya
ng aming guro.
Sa
kanyang purong pagsasalita ng Ingles ay lahat namamangha. Ngunit lahat iyon ay napapawi kapag tahasan na
naming narinig ang aming pangalan. Laging handa at may baon na tanong ang aming
guro, gusto niya ang pagbabahagi ng kaalaman ng kanyang mga estudyante,
sinusukat maging ang kalidad at kritikal ng impormasyong binabanggit. Ang index
card ang pinakamahalagang bagay na mayroon kami dahil nakatala dito ang
pagmamarka, iskor ng mga gawain at pagsusulit.
Ang pirma niya ang kasiyahan namin, ito ang bumubuo ng identidad na kami
ay seksyong sampaguita. Madalas noon tawagin ang aking pangalan ng aming guro.
Lagi ako nababahala sa oras na siya’y nagtatanong. Naririnig ko maging
paghuramentado ng aking puso. Ang katawan ko’y parang naestatwa at ang isip ay
naglalaro lamang sa maaari niyang itanong. Ngunit nang matapos ay siyang
ginhawang kapalit. Walang halong biro at hindi nagtatangka ng pananakot,
talagang angat ang estratehiya at istilo ng kanyang pagtuturo.
Walang
espesyal na deskripsyon kung ilarawan ang Ama ng Sampaguita. Ngunit ang tanging
ikinatatangi niya ay ang galling at husay sa paglalahad ng paksa. Hindi siya
kailanman lumiliban sa klase, saksi ako at ang aking mga kamag-aral sa kanyang dedikasyon sa pagtuturo. Ang kanyang mga
salita ay napupuno ng aral ukol sa agham, pambihira sa angking husay ang memorya
niya sa pagpapaliwanag ng siyensya. Sa kabila ng kanyang awtoridad sa pagtuturo
ay ang paninindigan niya sa kanyang mga prinsipyo’t turan. Sa pagkuyom ng
kanyang kamao ay akala mo’y naghahamon ng argumento. Sa bawat senyas ng kanyang
kamay ay hindi hamak na sumisigaw ito ng katayuan at propesyon.
Sa
hardin ng mga bulaklak na walang kupas ang halimuyak at pamumukadkad ay katangi-tangi
ang dulot nitong bango at dalisay. Nagkakaiba man sa anyo, hugis tekstura at
kulay ay hindi maitatanggi ang dulot na ganda sa paligid. Isang anghel na
tagapag-alaga ang nangingiting dinidiligan ito. Siya ang aking paboritong guro,
siya ang Ama ng seksyong sampaguita, ngayo’y itinuturing na Amang Anghel ng
seksyong Sampaguita.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento