Salba, Bida! Isang panaginip, imaheng binuo ng aking isipang may pananabik sa pagtawid sa nakakapasong kalsadang natitipon ang iba’t ibang mukha at kasuotan. Nariyan si Mamang sorberterong pinipilahan ng mga sukat ang bulsa, may karitong pantawid uhaw para sa nanunuyong lalamunan, ang karinderya ni Manay dahil sa patok na bente-singkong sabaw at ang padyak ng pedal na hilig manlamang sa bilis nang pag-usad. Patuloy nagsusumikap at matiyagang kumakayod, bidang maisalba ang bawat isa sa hamon ng buhay. Sa mga pampublikong lugar, sa parke, sa sinehan at maging sa opisina’t paaralan ramdam ang init presyong pakikipagkamayan, pagbati’t pagyakap, pinagtiisan kong pakinggan maging kanilang tuksuhan at hagikhikan. Isang pangkaraniwang larawang madalas nakikita at patuloy binibida sa lipunan, walang espayo at pagitan, walang barikada at distansya, hindi sinusukat maging ang agwat at layo, higit kailanman walang balakid ni-hadlang. ...