Lumaktaw sa pangunahing content

𝒯𝒶𝒶𝓁𝒶𝓇𝒶𝓌𝒶𝓃

 E N T R I  01

Ika-1 ng Mayo, 2021/Sabado


                                                                    

 Magandang umaga!

        Maaga akong nagising pagkatapos ay ginawa ang pang-araw araw na ritwal sa umaga. Sa araw na ito ay patuloy sinusubok ang aking isip at kakayahan sa mga bagay. Nariyan ang mga ingay at distraksyon sa paligid habang nagsasagot at nagsasagawa ng ilang aktibidad. Mailap kong binibigyan pansin ito ngunit mayroong pagkakataong hinahamak ako ng aking mga pansariling balakid sa buhay. Gayunpaman ay natutugunan ko naman  ito. Bago pa man tuluyang sakupin ng dilim ang paligid ay sinigurado kong naisumite ang bawat pagsusulit. Ilang sandali lamang ang aking pahinga sapagkat kailangan muli magpatuloy. Hindi dapat natin kalimutan na mahalaga ang hindi pag-abuso sa katawan. Sa gitna ng pandemya kinakailangan ang lakas at pagiging produktibo nang maging makabuluhan ang bawat araw na dumaraan. Hangga’t maaari gusto kong iangat ang aking pagiging positibo sa buhay. Gusto kong imulat ang aking mata, maging inspirasyon ang lahat ng aking nakikita. Dahil hindi pangkaraniwan ang aking nararanasan na  panghihina, pagkawala ng motibasyon  minsa’y dumarating pa sa puntong nais mo na lamang kumawala at bumitaw sa iyong pangarap.

     Isang pahayag ang nais kong iwan. Hangga’t maaari ay nais kong iangat ang aking pagiging positibo sa buhay.

   “Anuman ang ating kinahaharap na dagok sa buhay, palaging tandaan na mayroon at mayroong isang taong aakay at hahawakan ang ating kamay upang makinig at damayan tayo.  Hindi lamang ikaw ang nakakaranas nito, higit sa trahedya at masasalimuot ng yugto ng buhay ganap na hinihila tayo pababa, susukatin ang ating kalakasan at katatagan magpatuloy tayo hangga’t may oportunidad at huwag kaagad panghihinaan ng loob.”

                                                                                                                                                                                                                                                                                                

E N T R I  02 


Ika-2 ng Mayo, 2021/Linggo

         Bago pa man magsimula ang aking araw ay nakaramdam ako ng pagkabalisa. Inaamin kong nahihirapan akong tugunan ang aming pananaliksik dahil nagkaroon ng problema sa aming internet koneksyon kung kaya’t kinakailangan kong pumunta sa computer shop upang doon ito ipagpatuloy.  Kinakailangan  na humanap ng mga sekondaryang batis ukol sa aming paksa. Dalawang (2) oras ang aking ginugol sa paghahanap ng mga lehitimong datos upang sumuporta sa aming pag-aaral at pagsasalin nito sa wikang Filipino. Hindi biro para sa’kin ang manatili ng matagal sa harapan ng i-screen ng kompyuter sapagkat nakakaranas ako ng pananakit ng ulo at minsa'y panluluha ng mga mata. Pagkatapos ay tumulong naman sa mga gawaing bahay. Nakita ko pa ang aking ina na abala sa paghahalaman. Pangkaraniwang araw lamang ito tulad ng madalas na nangyayari sa loob ng isang linggo. Nang dumating ang hapon ay nagpatuloy ako sa aking mga gawain. Ilang oras ang inilaan ko upang pagbigyan ang sarili na maglibang sa panonood ng mga bidyo sa Youtube. Kumagat ang dilim at nagpapatuloy pa rin sa paggawa ng mga mga gawain. 


                                                                         E N T R I 03 

Ika-3 ng Mayo, 2021/Lunes,

        Unang araw ng Lunes buwan ng Mayo ay dumalo ang lahat ng mag-aaral sa Virtual Flag Ceremony ng Unibersidad. Buhat nito ay hindi kami nakapagklase sa aming unang asignatura (Sanaysay at Talumpati). Sa araw na ito ay wala ng sumunod na klase sapagkat sa Huwebes na muli ang susunod naming pagkikita upang magdiskusyon. Ilang oras ang lumipas ay nakuntento ang sariling tumulong sa mga gawaing bahay bago at pagkatapos ay ipinagpatuloy ang mga naiwang aktibidad na kinakailangan isumite. Nang simulan ang birtwal na klase ay talagang malaking hamon ang tanggapin ang lunsaran ng pagkatuto. Inaamin kong nahihirapan pa ako sa pagbabalanse ng oras, nariyan ang aking pagtulong sa mga gawaing bahay, pagtuturo sa aking nakakabatang kapatid at sa aking part time na trabaho. Hindi madali at minsa’y maiisip mong bumitaw dahil ramdam mo yung pagod ngunit kailangan magpatuloy.

         Gusto ko lamang ibahagi na sa pag-entri ko sa kolehiyo ay dito ko rin naranasan ang mga bagay na hindi ko inaasahan. Bonus pa ang hamon sa pandemya na kung mahina ang iyong loob ay batid kong madali rin para sa iyong sumuko at huminto.

        Oras na lumalaon at dumarating, bawat minuto’t segundo gawing makabuluhan at mabilis ang pagkilos. Hindi lamang ito laban ko at laban ng pisikal na pangangatawan at mentalidad. Kargo ko maging ang kapwa sa laban ng pandemya. Sana’y mapanatili ang aking malakas na pangangatawan upang higit magampanan ang aking mga responsibidad at tungkulin.


E N T R I 04

Ika-4 ng Mayo, 2021/Martes,

          Nahiya ang salamin sa kanyang nakita. Hindi ko na lamang pinansin ang gulo ng buhok at kusot na kasuotan nang umagang humarap ako sa salamin.  Yuko ang ulong nais pang umidlip  ngunit nagpapatuloy sa pagkbang upang ihanda ang sarili sa unang klase. Tuwing umaga ay abala ang aking ina sa paghahalaman habang malayo naman ang nararating ng aking mga kapatid sa kanilang panaginip. Kung para sa ibang iskedyul ay ito ang hindi ko trip sapagkat mag-hapon ang magiging klase. Sa totoo lamang ay hindi ako nakatatagal sa pananatili sa pagharap sa mga cellphone at laptop dahil nakakaranas ako ng pananakit ng ulo at pagluluha sa mata. Sa tuwing may diskusyon ang mga guro ay lagi kong isinusulat ang mga inihandang powerpoint presentation dahil ayokong nagbabasa sa mga elektronikong gamit. Sa ganitong paraan ay ilang oras ang aking nilalaan upang isulat ang mahahalagang punto kaugnay ng mga aralin upang maging gabay ko sa susunod na diskusyon.

         Kung kayang maibalik ang dating panahon ng walang bagong normal na pagkilala sa birtwal na pagkatuto ay higit kong pauunlakan ang sarili na maging aktibo sa loob ng klasrum. Sa sitwasyong ito ay danas ng karamihan ang mga barikadang humaharang pagtagumpayan ang mga bagay bagay.


E N T R I 05

Ika-5 ng Mayo, 2021/Miyerkules,

       Yey! Sa araw na ito ay wala kaming pasok ngunit maraming mga kailangang tapusin na gawain. Batid kong napakabilis nang araw kung lumaon.  Parang  ako ang pangunahing karakter na nakikipag-paligsahan sa kamay ng orasan upang tapusin ang lahat sa takdang oras. Ngayon ay tunay na nauunawaan ko ang mga empleyadong hinahabol ang oras umabot lamang sa kani-kanilang trabaho. Naging abala ang araw na ito sa pagsasaliksik at pagtuturo ko sa aking kapatid tungkol sa modyul niya. Bago pa man lamunin ang diwa ng antok ay naalala kong kaarawan ko na pala bukas.

        Edad na patuloy nadaragdagan, hinihiling kong tumangkad ako ngunit wala na pinagkaitan talaga ako. Babawi na lang sa ganda… magandang asal haha.


E N T R I 06

Ika-6 ng Mayo, 2021/Huwebes,  

         Ang hindi ko pinakahihintay na araw ngunit sabik na sabik ang aking kapatid dahil mayroong handaan. Paggising ko pa lamang ay narinig ko na ang ingay sa kusina. Maaga kung umaalis si Papa dahil sa kanyang trabaho pero tuluyang nagising ang aking diwa ng batiin niya ako. Humalik si Mama sa aking pisngi at niyakap pa ako. Buti na lamang at nag-anunsyo ang aming unang guro para sa araw na ito  na hindi matutuloy ang klase kung kaya’t tumulong ako sa dekorasyon. Hindi ko trip ang ganito ngunit dahil may mga taong handang maglaan ng oras para palamutian ang okasyon ay ramdam na ramdam ko na  espesyal ang aking pagdiriwang ng kaarawan. May pag-apaw nang emosyon, may galak na humahaplos sa aking dibdib ng makitang abala sila sa pagsasaayos at paghahanda. Dahil kahit ngayon na pangalawang taon kong ipinagdiriwang ang aking kaarawan sa gitna ng pandemya ay pinapaalala sa akin ng aking pamilya ang halaga ng pagdaraos ng kaarawan. Simpleng handaan lamang ang naganap ngunit kasiya-siya ito para sa akin. Wala man kaibigan na dumalo at tanging ang aking pamilya at mga pinsan ang nagsalo salo sa hapag ay masasabi kong sila na ang pinakamalaking regalong natanggap ko.. Walang halong biro pero masaya ako sa simpleng pagdiriwang na ito at tintitiyak kong hindi ko ito malilimutan.

      Shout out sa kapatid kong tinulugan ang paghuhugas ng plato dahil sa kabusugan.

P.S. Naging bertdey dishwasher ako.


E N T R I 07

Ika-7 ng Mayo, 2021/Biyernes,

      Biyernes at balik sa normal ang lahat. Naging abala  ako sa  pagliligpit ng mga dekorasyon kasabay ng pagsasaayos ng mga gamit. Binati ko ang aking kaibigan dahil ngayong araw ay kaarawan niya. Magkasunod lamang ang aming kaarawan. Ilang oras pa ang nakalipas ay ginugugol ko naman sa paglilinis ang aking oras na muntik kong ikinaligtaan na may pagsusulit pala kami sa isang asignatura. Nagmadali akong tapusin ito at hinanda ang sarili sa pagsagot. Kalahati ang nagging iskor ko sa pagsusulit at nakaramdam ako ng panghihina dahil mababa ito kumpara sa nakaraan kung pagsusulit. Nababahala ako kung kaya’t ramdam ko ang kirot na tumutusok sa aking dibidb. Ngunit hindi ko ito dinamdam ng masyado sapagkat alam kong ginawa ko ang lahat upang matugunan ito. Maaari naman muling bumawi sa mga susunod pang pagsusulit.

       Sa pagkakataong ito maipapaliwanag ang gulong ng buhay. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay umaangat ka, mayroon mga tagpo na kailangan mo maramdaman na ibinababa ka upang higit mo pang paghusayan sa susunod.


E N T R I 08

Ika-8 ng Mayo, 2021/Sabado,  

       Napakainit nang salubong ng araw na ito para sa’kin. Literal na mainit, nakuntento akong pinapaypayan ang sarili. Sa ganitong panahon ay nais ko na lamang magtampisaw sa dagat, damhin ang malinis na simoy ng hangin at mamuhay nang simple tulad ng aking napapanoood sa mga palabas. Ngunit ang katotohanan ay kailangang protesyunan ang sarili lalo na’t patuloy ang pagtaas ng kaso ng mga nagkakasakit dulot ng COVID-19.

       Nang dumating ang hapon ay sinalubong naman ako ng aking mga kaibigan. Hindi ko inasahan ang kanilang pagbati. Hindi sila dumalo sa aking nakalipas na kaarawan sapagkat abala rin sila sa kani-kanilang mga tungkulin at mula sa nakalipas na isang taon ay ngayon na lamang muli sila bumisita sa aming tahanan. Hindi ko inaasahan ang regalo at pagbati. Masayang kuwentuhan at kumustahan ang aming ibinahagi sa isa’t isa. Hindi rin tumagal ang oras ng kanilang pananatili sapagkat mahigpit na ipinatutupad ang curfew kaya’t kahit sa kaunting oras na pagsasama-sama naming ay ramdam kong may pangungulila rin kami sa isa’t isa. Salamat sa mga munting regalo.


E N T R I 09

Ika-9 ng Mayo, 2021/Linggo,

Araw ng Linggo at abala pa rin sa mga gawain. Iilang linggo na lamang ang mayroon kami upang tugunan ang mga bahaging pampinal para sa unang taon  ng kolehiyo. Kaya’t hindi rin ako maaaring maging kampante sapagkat maraming inihahaing gawain. Nauunawaan ko naman ang lahat ng ito sapagkat mahaba na ang taong aking iginugol sa pag-aaral. Pagsapit ng hapon ay nagdaos naman ng simpleng selebrasyon at pagbati sa aming ilaw ng tahanan. Happy Mother’s Day sa lahat ng mga huwarang ina.

E N T R I 10

Ika-10 ng Mayo, 2021/Lunes,

       Mabuti na lamang ay hindi ako nahuli sa aming unang klase. Hinihila pa ako ng aking katawan sa malambot na kutson. Ngunit hindi maaaring ang pansariling kagustuhan ang masunod kaya’t nagmamadali akong nagpalit ng suot at nagtoothbrush ng aking ngipin upang dumalo sa klase. Hangga’t maayos ang internet connection ko at magagawan ng paraan ay hindi ako papayag na lumiban sa klase.

       Sumunod na pangayayari’y naging mailap na akong makipag-usap lalo na’t marami akong iniisip. Nalalapit na ang pampinal na gawain kaya’t abala ako sa paghahanda ng mga isusumiteng gawain. Bukas na rin ang aking pag-uulat kung kaya naghahanap ako ng mga primarya at sekondaryong datos na higit magiging pansuportang datos ko sa paglalahad ng mga impormasyon.

E N T R I 11

Ika-11 ng Mayo, 2021/Martes,

             Maaga akong nagising sa araw na ito. Ito na ang pinakahihintay na pag-uulit ng aming pangkat kaya’t kinakailangan ang matinding paghahanda at lakas ng loob upang magsalita. Ramdam ko ang paghuhuramentado ng aking puso sa kaba. Hindi na ito mawawala sa akin, batid kong pangkaraniwang nararanasan ng sinuman ang kaba sa tuwing ganito ang senaryo. Isang oras at kalahati ang itinagal ng aming presentasyon. Sa huli’y nairaos ng aming pangkat ang aming pag-uulat. Ilang oras ang nagdaan pa’t sumunod ang ikalawang klase. Nagkaroon lamang ng diskusyon ukol sa aming aralin. Ang oras ngayon ay 12:41 ng umaga habang ibinabahagi ko ang naging daloy ng aking araw. Umaga na muli, hahaha napakabilis ng oras at sana gawin natin itong makabuluhan upang hindi masayang. Salamat.

 

E N T R I 12

Ika-12 ng Mayo, 2021/Miyerkules,

             Nagmadali akong ayusin ang aking mga biswal na presentasyon.  Nakatakda sa araw na ito ang aking pagtuturo. Ito ang kahingiang pinal ng NSTP-LTS01 kung kaya’t nagkukumahog akong bilisan ang aking kilos upang simulan ang magiging diskusyon ng aking paksa. Kinakailangan maiskedyul ang mga gawain ko upang maipasa ko ito sa takdang oras. Ayoko pa naman sa lahat na ako’y nahuhuli, ngunit may pagkakataong dahil sa kakulangan ng materyales at resources ay talagang  nagiging balakid sa akin na ipagpatuloy ang mga gawain. Lagi kong isinusulat sa isang maliit na papel ang mga nakatakdang gawain at sa tuwing makikita ko ito ay nalulula ako sa dami. Hindi ako nagrereklamo dahil batid ko na matatapos ang gawain kung magpapatuloy ka lamang at hindi idinadaan sa hinaing. Ayun lamang sa araw na ito at magandang gabi.

 

E N T R I 13

Ika-13 ng Mayo, 2021/Huwebes,

         Pangkaraniwang ang araw na ito. Wala kaming pasok sapagkat ipinagdiriwang ng ating mga kapatid na Muslim  ang  Eidi’l Ft’r kung kaya’t inabala ko ang aking sarili sa aming Mini-Pananaliksik kung saan kinakailangan ng pagsusuri sa syllabic structure ng mga peryodiko sa kalidad ng birtwal na pagkatuto. Ramdam ko ang bigat ng gawain, madalas na akong natutulog ng madaling araw dahilan para masermonan  ako ng aking ama. Hangga’t maaari ay hinahabol ko ang oras na magampanan ang aking responsibilidad bilang mag-aaral. May mga araw na mararamdaman mong parang ikaw lamang ang nakakaranas ng hirap at  minsan maiinggit ka sa iba na kayang ibigay ang mga pangangailangan at luho nila sa buhay. Mahirap pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. Ang isip mo’y nahahati sa iba’t ibang gawain. Kailangan ng matinding bilis ng katawan at pokus upang maging banayad ang resulta ng mga gawain. Kung panghihinaan ng loob ay talagang hahamakin ng mentalidad na pag-iisip, susubukin maging lakas at katatagan na tanggapin ang bawat hamon at dagok na dumarating sa buhay. Malaking parte sa aking isipan ay gusto ng piliin na huminto ngunit may pananghihinayang sa araw at oras na aking ginugugol upang umabot sa pagtatapos ng unang taon ng pagiging kolehiyo.  Sana’y ako sa hirap at pagtitiis anupa’t ilang taon na lamang ang aking bibilangin, kumpara sa aking nararanasan ay wala pa ito mga pinagdadaanan ng iba.  Batid ko rin ang ekspektasyon ng aking magulang. Wala akong aasahan kung hindi maging ang aking sarili, wala akong kalaban kung hindi ang pagod, puyat at isip. Nais ko lamang pagaanin ang loob ko sa pagbabahagi ng tunay na aking saloobin, ngunit hindi rin ibig sabihin nito’y hihinto na ako.

 

E N T R I 14

Ika-14 ng Mayo, 2021/Biyernes

        Biyernes na muli at parang napakabilis nang pagdaan ng mga araw. Naging magaan ang araw na ito sapagkat hindi kami nagkaroon ng klase sa iilang asignatura. Ngunit nagpatuloy ang mga gawain at mga pananaliksik. Nagkaroon ng bidyo senaryo sa araw na ito at tampok ang aking mga kapatid bilang mga aktor. Mapalad akong tinanggap nila ang aking paanyaya. Hapon na ng maisagawa naming ang pagkukuha ng bidyo at bukod pa roon ay naging abala rin ako sa paghahanda sa aking live sharing. Bukas ito gaganapin at kinakabahan ako sapagkat oobserbahan ng aking guro ang paraan ko ng pagtuturo sa aking tutee. Gayunpaman ay malakas ang loob kong mairaraos ko ito.


E N T R I 15

Ika-15 ng Mayo, 2021/Sabado

       Ang araw na pinakahihintay ko.  Maaga akong nagising, dakong 8:30 nang umaga ay naging abala ako sa pagsasaayos ng mga gagamitin para sa aking live sharing. Nakailang beses akong humiling na sana ay maging maayos ang aking koneksyon ng internet upang maging matagumpay ang aking presentasyon.

        Naghalong kaba at saya ang naramdaman ko nang nagsimula ang aking pagtuturo. Masaya akong nagkukwento at nagbabahagi ng aking kaalaman. Natutuwa naman akong aktibo ang aking tutee na sagutin ang aking mga katanungan. Bibong bibo kung sumayaw at lumahok sa aking mga inihandang gawain. Matapos ang (2) dalawang oras ay nakahinga na ako ng maluwag ng makatanggap ng mensahe na ‘Good Job’ sa aking guro. Ibig sabihin lamang nito’y maganda ang aking estratehiya sa pagtuturo at inaasahan kong gagalingan ko pa sa mga susunod. Masaya akong nakauwi pagkatapos. NSTP lamang ang aming klase sa araw na ito. Inilaan ko nalamang ang natitirang oras para gawin ang mga hindi ko pa natapos na gawain.


E N T R I  16

Ika-16 ng Mayo, 2021/ Linggo,

         Sa araw na ito ay nagpahinga lamang ako. Ginusto kong bigyan ng oras ang sarili upang makapagpahinga. Napuyat ako kagabi dahil sa mga gawaing dapat isumite. Iginugol ko ang oras sa panonood ng mga nakakatuwang bidyo sa Youtube. Pagkatapos ay tumulong sa gawaing bahay. Nanatili lamang ako sa loob ng aming tahanan. Ramdam ko ang matinding init na dala ng panahon kaya’t mabuti’t uminom ng higit sa  (8) walong basong tubig sa isang araw. Pagkatapos ay nagpatuloy naman akong tugunan ang aming pananaliksik.


E N T R I  17

Ika-17ng Mayo, 2021/ Lunes,

Isang panibagong araw upang sumabak sa gawain. Araw ng Lunes at inaasahan ang pagdalo namin sa aming birtwal na klase. Hinihila ako ng aking malambot na kutson ngunit mas mahalaga sa akin ang magpatuloy sa pag-aaral. Batid ko ang mga balakid na kinahaharap ngayong pandemya. Minsan ay napapaisip ako, minsan naglalaro ang aking isipan sa mga bagay na mas magbibigay sa akin ng oportunidad upang tulungan ang aking mga magulang sa paghahanap buhay. May parte sa aking gustong lumihis ng direksyon at tahakin ang isang destinasyon na hanapin ang sarili ngunit may bumubulong din sa aking isipan na magpatuloy pa at gawing motibasyon ito upang pagsumikapan ang aking pag-aaral.

 

E N T R I  18

Ika-18 ng Mayo, 2021/ Martes, 

         Alas-singko pa lamang ng umaga ay gising na ang aking diwa upang simulan ang panibagong araw. Malapit na ang finals kung kaya’t abala ang lahat ng aking kamag-aral na matugunan ang mga kahingiang pinal para sa iba’t ibang asignatura. Kalakip nito ang puyat, pagod at pag-iisip na maitawid ang lahat ng mga papel na gawain. Mahalagang pagtuunan nang pansin ang pangangatawan. Sa panahon ngayon ay kinakailangan ang lakas ng katawan at mentalidad na isip. May barikada man na humaharang ay nais ko palakasin ang loob nating lahat nag awing makabuluhan ang bawat araw at patuloy tayong lumaban, darating ang panahon na tuluyang mawawakasan nating ang krisis sa pangkalusugang pandemya.

 

E N T R I  19

Ika-19 ng Mayo, 2021/ Miyerkules,

         Isang pagbati, maligayang kaarawan sa aking Ninang. Siya ay isang guro sa elementarya ay batid kong napakaraming gawain na nakalatag sa kanyang propesyon ngunit iyon rin ang aking nagpapalakas sa akin upang sumunod sa kanyang yapak. Kung ako’y tatanungin, bakit ko nga ba pinili na maging isang guro? Hindi ko alam ang isasagot ko, isang araw  ay pinili ng aking isipan na pumasok sa ganitong propesyon. Bilang nagsasanay pa lamang ay ramdam ko na ang mga hamon ngunit ito pa rin ako magpapatuloy at babagtasin ang aking inaasam na propesyon sa hinaharap.

         Nakuntento lamang akong batiin sa messenger ang aking Ninang. Sa araw na ito ay nagpatuloy ang mga naiwang gawain. Wala man pasok ngunit naging abala na tugunan ang mga gawain.

 

E N T R I  20

Ika-20 ng Mayo, 2021/ Huwebes,

        Hays, mapapabuntong hininga ka na lamang. Inaasahan na maging flexible kami bilang mga guro sa hinaharap ngunit ngayon pa lamang ay matindi na ang pakikibaka, kalaban ang sariling katamaran. Sa init ng panahon ngayon ay mapapaisip ka na lamang na magbakasyon, magtampisaw sa dagat at manatili sa airconditioner na kwarto. Ngunit ang lahat ng iyon ay wala ako, tiyaga na lang sa electric fan at simoy nang hangin. Nagkaroon kami ng diskusyon sa aming mga asignatura. Inanunsyo na rin maging mga ipapasa at mga kahingiang pinal na dapat ay maisumite sa itinakdang petsa. Nang kumilimlim na ay napagpasyahan kong ipahinga na ang aking katawan.

Workload.

                      

  E N T R I  21

Ika-21 ng Mayo, 2021/Biyernes,

           Biyernes na muli at ramdam ko ang bilis nang pagdaan ng mga araw. Ang aking isip ay naglalaro lamang sa mga itinakdang petsa upang ipasa ang mga gawain. Nagpatuloy ang aming mini-saliksik para sa araw na ito. Pinagsasabay-sabay ko ang pagtugon sa mga gawain. Kinakailangan ang bilis nang kilos at isip upang maisagawa ito ng maayos. Gabi na, ngunit ako’y nagpapatuloy pa rin magtipa ng aking mga isasalin na batis para sa aming pananaliksik. Bukas ay Sabado, inaamin kong pressure ako ngayon. Ngunit itinitiyak ko naman na maisasagawa ko ito.

 

E N T R I  22

Ika-22 ng Mayo, 2021/Sabado,

         Nagpatuloy ang live sharing sa araw na ito. Isa lamang ang aming klase para sa araw na ito. Tapos na ako magbahagi ng aking karanasan sa pagtuturo, ang aking mga kamag-aral naman ang nagbahagi ng kanilang pansariling karanasan. Isa lamang ang natutuhan ko habang nagtuturo sa anim na taong gulang na bata at ito ay mahabang pasensya. Dito pa lamang ay nasukat na ang aking oras at pagtitimpi, kinakailangan na maging mahusay sa pag-iisip ng estratehiya upang makuha ang kanyang atensyon. Nakatutuwang isipin kung may natutuhan ang isang bata, nalalaman mo yung kanyang pansariling katayuan at opinyon sa iba’t ibang usapin. Ito rin ang unang hakbang na maunawaan niya ang halaga ng pag-aaral.

                    

                           

E N T R I  23

Ika-23 ng Mayo, 2021/Linggo,

         Simula nang ianunsyo ang mahigpit na seguridad bilang pagtugon sa pangkalusugang krisis ay nakuntento rin lamang ako sa apat na haligi ng aming tahanan. Hangga’t maaari ay hindi ako lumalabas ng bahay kung hindi rin naman importante ang aking lakad. Ngayong araw ay nautusan ako ng aking ina na magpunta sa Western Union upang bayaran ang bill ng aming kuryente at tubig. Pinagmasdan ko ang aking paligid, hindi gaano nasusunod ang distansya sa isa’t isa ngunit ang lahat ay may suot na facemask at faceshield kaya’t nawala na rin ang pangamba sa aking dibdib. Matapos nito ay nagdesisyon na lamang ako lumakad pauwi. Ninnais ko lamang pagmasdan ang paligid, tanawin ang mga bagay bagay na nakikita ng aking mga mata. Na-miss kong maglakad lakad nang mag-isa, magnilay-nilay at lumanghap ng hangin sa labas.

 

E N T R I  24

Ika-24 ng Mayo, 2021/Lunes,

            Naging magaan sa pakiramdam ang araw na ito. Wala kaming klase sapagkat inilaan ang oras upang ipagpatuloy ang mga gawain. Maagap akong tumulong sa mga gawaing bahay. Naglinis ako ng aking kwarto, nagtupi ng mga damit na nalabhan, naglampaso ng sahig, naghugas ng plato at nagpunas ng mga aparador at kabinet.  Ganap na alas-dyes ng umaga ay nagpatulong modyul ang aking kapatid kaya’t inilaan ko ang oras sa pagtuturo sa kanya. Matapos kumain nang tanghalian ay muling inabala ko ang aking sarili sa mga gawaing may kinalaman sa aking kurso. Iyon lamang para sa araw na ito, nawa’y magpatuloy ang lakas ng aking pangangatawan upang higit magampanan ang aking mga tungkulin sa loob ng tahanan at sa aming birtwal na klase.

        

E N T R I  25

Ika-25 ng Mayo, 2021/ Martes,

           Ang unang birtwal na klase sa araw na ito ay Barayti at Baryasyon ng Wika, nahuli akong pumasok dahil nagkaroon ng problema sa aking internet koneksyon. Ilang minuto pa ang aking hinintay upang tuluyang nakapasok ngunit laking panghihinayang na natapos na ang aming klase.  Mabuti na lamang at naka-record ito, papakinggan ko na lamang ito. Wala kaming klase sa sumunod na asignatura kaya iginugol ko ang oras sa pag-edit ng aking mga bidyo. Nagkaroon pa ng problema sa dami ng mga files at documents sa storage ng aking cellphone. Buti na lamang ay nai-save ko ito at ma back-up files kung hindi ay baka umulit muli ako. Ang nagbabadyang kadiliman sa siwang ng aming bintana ang dahilan ng pagkurba ng ngiti sa aking labi. Magandang gabi, napakaganda ng buwan.


E N T R I  26

Ika-26 ng Mayo, 2021/ Miyerkules,

Late na ako nagising at batid ko ang init sa loob ng aking kwarto. Nagising ako na may nakahain ng almusal sa hapag kaya’t nagingislap ang aking mga mata. Mapalad ako sa aking mga magulang sapagkat hindi sila kailanman nagsawa, napagod na tustusan ang pangangailangan naming, nariyan sila palagi at walang hihigit sa kanila para sa’kin. Matapos ang pang-umagang ritwal ay isinaayos ko na ang mga gagawin. Sa araw na ito ay inaasahan ng aming tumatayong lider sa pananaliksik na matapos ang paglatag ng mga reulta at diskusyon ngunit kabaliktaran sa inaasahan dahil nagkaroon din ng mga hindi inaasahan na gawain sa ibang asignatura kaya’t baka bukas na lamang ito matatapos.


E N T R I  27

Ika-27 ng Mayo, 2021/Huwebes,

            Ramdam na ramdam ko ang pananakit ng aking mga mata. Literal na sumasakit kaya’t napagpasyahan kong magpahinga. Hindi ako nakatatagal sa i-screen ng laptop at kompyuter. Isang oras pa lamang ay gusto ko ng sumuko. Nagluluha ang aking mga mata kasabay ng pananakit ng ulo. Ganap na alas-onse ng tanghali ay dumalo naman ako sa aming birtwal na klase. PROFED ang huli naming birtwal na klase. Nagkaroon kami ng diskusyon ukol sa behaviorl/emotion disorder. Interesado akong malaman ang ganitong usapin partikular sa sitwasyon ngayon. Naupo ako habang nakikinig. Sa nagdaang oras ay nanatili lamang ako sa aing upuan upang ipagpatuloy ang mini-saliksik na aming kahingiang pinal sa FIL105 (Barayti at Baryasyon ng Wika) at FIL106 (Linggwistiks).

 

E N T R I  28

Ika-28 ng Mayo, 2021/Biyernes,

        Biyernes na muli, nagpapatuloy ang mga gawain. Sa araw na ito bukod sa ramdam nating lahat ang init ng panahon ay tagaktak kanina ang pawis ko habang naglilinis. Nakailang palit na ako ng aking pantaas na suot. Pinapaypayan ang sarili upang mapawi lamang ang init. Hindi kami nagkaroon ng birtwal na klase sa umaga. Mabuti na lamang iyon para sa akin upang ilaan ko ang oras sa pagtulong sa bahay. Walang aasahan kung hindi ako, nang hapon naman ay umidlip ako. Dala ng aking puyat kagabi ay dinalaw na lamang ako ng antok. Minsan umaayaw ang katawan natin na sumunod sa mga bagay na kinakailangan, dapat kasi ay tatapusin ko na ang mga naiwang gawain ngunit sa hindi inaasahan ay nakatulog ako. Ngayong gabi ko ipagpapatuloy, inaamin kong sanay na ang aking katawan gumawa ng mga gawain sa gabi, dito ako komportable at payapa ang paligid dahil walang distraksyon.

 

E N T R I  29

Ika-29 ng Mayo, 2021/Sabado,

             Nagpatuloy ang mga anunsyo ukol sa mga dapat ipapasa para sa mga susunod na araw. Isa lamang ang aming birtwal na klase para sa araw na ito. Pinaalalahanan lamang kami sa mga gagawin at pakikilahok sa NSTP Virtual day. May representasyon naitalaga sa aming seksyon upang lumahok sa mga gawain. Sinuportahan naming an gaming kamag-aral sa kanilang paglahok. Nakatutuwa na mayroon mga ganitong birtwal na programa ang aming Unibersidad.

    

        

E N T R I  30

Ika-30 ng Mayo, 2021/Linggo,

      Ngayon ko lamang nabatid na malapit na ang pagtatapos ng aking unang taon sa kolehiyo. Marami akong baon na karanasan simula ng tanggapin pumasok ako ng kolehiyo. Pinakamalaking hamon at dahok sa buhay ay ang pagtugon sa mga gawain. Malaki ang naging epekto ng birtwal na klase upang higit kong pagkasyahin ang oras ko sa pagtugon ng mga inilatag na gawain ng Unibersidad, ang hindi maayos na konekyon ng internet sa tuwing ako’y dumadalo ng birtwal na klase, natutuhan kong maging flexible, hindi ko man personal na kilala ang aking mga kamag-aral dahil sa distansya ng pagkatuto ay nagpapasalamat ako dahil nariyan sila upang tumulong at makinig sa aking mga problema. Sa bahaging ito, malaki ang naging partisipasyon nila upang mairaos at maitawid ko ang aking sarili.


E N T R I  31

Ika-31 ng Mayo, 2021/Lunes,

        Naging abala lamang ako sa paghahanda sa finals. Muling binalikan ko ang aming mga naging diskusyon. Walang mapaglagyan ang aking kabang nararamdaman sa mga susunod na araw. Tinitimbang ko ang lahat ng mga dapat gawin, mahirap man o madali ay tinitiyak kong maisasagawa ko ito ayon sa pangangailangan.Sa araw na ito ay nagpatuloy ako, naging pokus ako sa pagrerebyu. Hinayaan ko ang sarili na manatili maghapon sa aking kwarto upang gampanan ang aking tungkulin bilang isang mag-aaral. Nang minsan na pumasok ang aking ina ay tinawag niya lamang ako upang magtanghalian. Nakaharap ako sa i-screen ng laptop ngayon habang kumakain. Hapon na, ipinagpatulo ko na muli ang paggawa ng mga powerpoint presentation para sa aking e-portfolio.

           Hanggang dito na lamang aking munting taalarawan. Nasiyahan ako tuwing nagtitipa ako sa keyboard at ibinabahagi ko ang aking istorya sa bawat maghapon. Ikaw ang naging tulay ko upang maibulalas ang aking mga nakakubling damdamin. Ano man ang aking pakiramdam, sa iyo ko naisisiwalat ang aking emosyon. Maraming salamat at hindi ito nagtatapos, patuloy at magpapatuloy ang paglikha ng kabanata ng aking istorya. 


          Labis na Nagmamahal,

          InkaMorata

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

𝓐𝓷𝓰 𝓟𝓪𝓹𝓮𝓵 𝓷𝓰 𝓟𝓪𝓷𝓲𝓽𝓲𝓴𝓪𝓷 𝓼𝓪 𝓖𝓲𝓽𝓷𝓪 𝓷𝓰 𝓟𝓪𝓷𝓭𝓮𝓶𝔂𝓪

  Pasyon  de Pandemya: Istatus ng Panitikan sa Diskursong Birtwal           Sa pagdating ng ika-20 siglo ay tuluyang napuspos at hinamon nang kasalukuyang panahon ang panitikan. Ang kontemporaryong pagsasatitik at pagtupad sa lente’t porma ng panitikan ay nagbigay ng kaisipan at ideya upang tawirin nito ang mga dagok na umiiral sa pandemya. Maraming saksi ngunit iilan lamang ang naging bukas ang isip sumunod sa mga palisi at pamantayang turan ng mga pangunahing sektor at ahensya. Ito ang masalimuot na pagkakapantay-pantay, eksklusyong lingap nang kapatiran marahil batid ng nakakarami ngunit natutuop paniwalaan. Nabahiran ng hugas-kamay,   suhestyong pinaniningkitan ng mga mapaglinlang at mapagsamantala sa kapwa.   Kasalukuyang humaharap ang panitikan sa iba’t ibang usaping may kinalaman sa pagsasalin, napupuna maging ang kontruksiyon ng identidad sa pagitan ng wikang Ingles at Tagalog. Naglipana rin ang maling impormasyon at diskriminasyong...

𝓝𝓪𝓽𝓪𝓽𝓪𝓷𝓰𝓲𝓷𝓰 𝓚𝓪𝓻𝓪𝓷𝓪𝓼𝓪𝓷 𝓼𝓪 𝓟𝓪𝓷𝓭𝓮𝓶𝔂𝓪

  Salba, Bida!         Isang panaginip, imaheng binuo ng aking isipang may pananabik sa pagtawid sa nakakapasong kalsadang natitipon ang iba’t ibang mukha at kasuotan. Nariyan si Mamang sorberterong pinipilahan ng mga sukat ang bulsa, may karitong pantawid uhaw para sa nanunuyong lalamunan, ang karinderya ni Manay dahil sa patok na bente-singkong sabaw at ang padyak ng pedal na hilig manlamang sa bilis nang pag-usad. Patuloy nagsusumikap at matiyagang kumakayod, bidang maisalba ang bawat isa sa hamon ng buhay. Sa mga  pampublikong lugar, sa parke, sa sinehan at maging sa opisina’t paaralan ramdam ang init presyong pakikipagkamayan, pagbati’t pagyakap, pinagtiisan kong pakinggan maging kanilang tuksuhan at hagikhikan. Isang pangkaraniwang larawang madalas nakikita at patuloy binibida sa lipunan, walang espayo at pagitan, walang barikada at distansya, hindi sinusukat maging ang agwat at layo, higit kailanman walang balakid ni-hadlang. ...

𝓥𝓲𝓻𝓰𝓲𝓷 𝓟𝓪 𝓐𝓴𝓸

                                                    Cupido Store “Cupido, kapeng barako ka ba?” “Hmm, bakit?” “Dahil hindi kumpleto ang umaga ko kung wala ka!” “Mag-aral ka ng mabuti Miss,” dinig kong tugon ng lalaking walang pantaas na suot pagkatapos ibigay ang binili ng isang dalaga. Bigyan ng halaga ang feelings sa tindahan ni Kupido.   Ngunit paano ko bibigyan ng halaga ang feelings kung hindi ko naman maramdaman sa ibang tao? Nagkagusto ka na ba? Na-in love ka na ba? O hindi kaya’y, nagmahal ka na ba o may minahal ka na ba? Pamilyar ba sa iyo ang linyang ito? Batid kong narinig mo na ito sa isang pelikula ni Kathryn Bernardo? Ngunit anong feeling?   Masaya’t nakakakilig ba o sabi nila’y bumibilis daw ang tibok ng iyong puso? C...