Sa pagdating ng ika-20 siglo ay tuluyang napuspos at hinamon nang kasalukuyang panahon ang panitikan. Ang kontemporaryong pagsasatitik at pagtupad sa lente’t porma ng panitikan ay nagbigay ng kaisipan at ideya upang tawirin nito ang mga dagok na umiiral sa pandemya. Maraming saksi ngunit iilan lamang ang naging bukas ang isip sumunod sa mga palisi at pamantayang turan ng mga pangunahing sektor at ahensya. Ito ang masalimuot na pagkakapantay-pantay, eksklusyong lingap nang kapatiran marahil batid ng nakakarami ngunit natutuop paniwalaan. Nabahiran ng hugas-kamay, suhestyong pinaniningkitan ng mga mapaglinlang at mapagsamantala sa kapwa. Kasalukuyang humaharap ang panitikan sa iba’t ibang usaping may kinalaman sa pagsasalin, napupuna maging ang kontruksiyon ng identidad sa pagitan ng wikang Ingles at Tagalog. Naglipana rin ang maling impormasyon at diskriminasyong handang magbigay ng kalituhan at kaguluhan sa loob at labas ng tahanan.
Mula sa panayam sa kanya sa programang
“Sakto” ng DZMM, nagbigay payo si Professor Danilo Arao, wika niya’y kailangan
ng husay sa panunuri ng mga istoryang nababasa’t isini-share ng mga netizen at social media user.
“Mangilan-ngilang social media user ay titulo lang ang nag-catch sa attention niya, minsan hindi na ibinabasa tapos ishi-share,” paliwanag ni Prof. Arao, guro sa
journalism ng UP Diliman.
Nagkaroon ng hidwaan at mga argumento sa
pagitan ng mga napapanahong isyu at usaping may kinalaman sa pagkalat at
paglantad ng mga maling impormasyon. Ito’y higit nakikita’t nababasa ng mga
mata sa iba’t ibang uri ng platform
sa social media. Tampok ang mga
kalabisan at hindi lehitimong impormasyon kaugnay ng pagpapaskil ng mga lipon
ng mga salitang pinangingimbabawan ng iba’t ibang maaanghang na ideya’t
argumento, madalas pa ay humahantong sa
hindi pagkakaunawaan at paglala ng sitwasyon. Halimbawa, ang
kontribusyon ng “infodemic” kung saan
pinangunahan ng World Health Organization ang pagsasamantala sa hindi malay na
kaisipan ng tao sa gitna ng pangkalusugang krisis kaugnay ng pagkalat ng maling
impormasyon na nakapagdudulot ng miskonsepsyon, kalituhan at maging sanhi ng
kapahamakan.
Ito ang dulog ng
panitikang patuloy hinahamak nang pandemya. Sa bahaging
ito, naging pangamba ang kalasag panulat dahil punpon ang pagbabaybay ng mga
opinyon at kinalabisang pangangatwiran ng mga pagsasaling-dila. Naging hamon ang mga suliranin ngunit patuloy
iniuusig ng kalidad sa gampaning maiangat ito sa silahis ng hagunot at
nagbabadyang pangingikil.
Kaugnay ng pananaliksik nina
Piller, Zhang, at Li (Linguistic
Diversity in a Time of Crisis: Language Challenges of the COVID-19 Pandemic)
nabanggit ang mga hamong kinahaharap na krisis sa pagitan ng multilingguwal na
komunikasyon at ng lipunan sa panahon ng pandemya.
“Information circulating in
traditional and social media emanates from a wide variety of social actors,
ranging from media corporations via political parties to large numbers of high
diverse community groups and grassroots effort ( Piller, et. al, 2020).”
Sa nakalipas na taon ay pinagtibay ni Komisyoner Arthur Casanova ang
gamit ng wikang Filipino sa kontribusyon nito sa pandemya. Panawagan ng
tagapangulo kasabay ng pagdiriwang sa Buwan ng Wikang Pambansa Taong 2020 na
bigyan pokus at kredibilidad ang kakayahan ng wikang Filipino at wikang
Katutubo sa pantay na pagpapahalaga at pagsasalin upang higit sumabay sa
pagbibigay-kaalaman at kamalayan ng bawat indibidwal sa hamon ng pandemya (“ABS-CBN
News”, 2020).
Sa isang pahayag ni Komisyoner Arthur Casanova pinatunayang malaki ang
suporta ng Komisyon ng Wikang Filipino sa pagsasalin ng mga batis at
impormasyong nakasulat sa wikang Ingles na layong maunawaan at maipabatid sa
bawat nangangailangang indibidwal. Hindi
nalimitahan ang kakayahan ng panitikang sumabay sa galaw at ragasa ng
napapanahong pangkalusugang krisis bagkus nagkaroon pa ng maraming oras at
oportunidad ito upang makapag-ambag sa lipunan. Muling inilalayag ang direksyon
patungo sa mga makabuluhang kuwento ng karanasan at katatagan, istorya ng
pakikipagbayanihan at pag-asa, idagdag pa ang tindig nang pamamahayag at
argumento. Hindi hihinto at mapapagod
ang mga manunulat, mananalumpati’t mananaysay sa paghatid ng mga kaukulang
impormasyon na bubusog sa isipan at mag-iiwan ng kakintalan sa damdamin ng
mamamayan.
Sa pantayong pananaw, ang dulog ng panitikan sa gitna ng pandemya ay
hindi tipak ng malilit na salita, hindi nagtatapos sa prediskyon at haka-haka,
hindi nangungumusta ng mga talata at hindi pinalulutang ang mga titik sa
hangin. Hindi layon ang pagiging imperyalismo, walang bakas ng pagiging
superyor at diktador. Ito ay higit may laman, may damdamin, may kintal at
diskuro. Marahil batid ng karamihan ang posisyon at identidad taliwas sa mga
negatibong paglalahad at pagtatasa ng mga sitwasyon. Ngunit hindi ito nagtatapos lamang sa kayang
ilahad, sa gamit ng mga bantas at bernakular, maging sa midyum ng pagsasalin at
pagbaybay ng mga salita. Ang mukha ng panitikan ay natatangi at makabuluhan,
hindi ito nakikipagpaligsahan upang tingalain at handugan ng mga ritwal at
seremonya. Ito ay madalas sumusubaybay
sa pangangailangan ng sitwasyon, nakikiisa’t maaaring bumalikwas, may balanse
at angkop na pagtingin sa bawat pahayag ng mga salita.
Piller, I., Zhang, J. & Li, J. (2020). Linguistic
diversity in a time of crisis: Language challenges of the COVID-19 pandemic. Multilingua, 39(5),
503-515. https://doi.org/10.1515/multi-2020-0136
Holowack,
Kevin.2021. COVID-19: Disinformation and discrimination. Alberta Filipino
Journal. https://www.albertafilipinojournal.com/2021/04/16/covid-19-disimpormasyon-adiskriminasyon/
Coloma, Angela. 2020, Agosto 21. Paggamit ng Filipino sa pagbibigay-alam sa covid-19 hinimok. Ngayong buwan ng wika. ABS-CBN News. https://news-abs--cbncom.cdn.ampproject.org/v/s/news.abscbn.com/amp/news/08/01/20/paggamit-ng-filipino-sa-pagbibigay-alam-sa-covid-19-hinimok-ngayong-buwan-ng-wika
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento